Workers na sasailalim sa quarantine tutulungan ng DOLE

Sa gitna ng community quarantine na ipinatutupad ng gobyerno, may tulong na maasahan ang mga empleyado ng mga pribadong kumpanya, regular employees man o arawang manggagawa lamang.

Sa isang interview ng DZMM kay Labor Secretary Silvestre Bello, sinabi nito na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang magbibigay ng subsidiya o magpapasuweldo sa mga regular na empleyadong puwersadong mag-leave para sumailalim sa community quarantine.

Habang naka-forced leave para mag-quarantine ang isang regular empleyado ang kanyang suweldo ay magmumula sa DOLE kung ubos na ang kanyang leave credits.

“Actually, ang subsidy dito ay mapupunta sa employer, who will use the subsidy to pay the employees,” ayon kay Bello na nagsabi pa na sasagutin ng DOLE ay ang mga araw na naka-leave ang empleyado.

Kung meron pa umanong natitirang leave ang isang empleyado ay gagamitin niya ito habang ang mga araw na natitira ay babayaran naman ng DOLE.

Kailangan lamang umanong magpakita ang empleyado ng memorandum galing sa employer na nag-uutos na sumailalim ito sa quarantine leave.

Kailangan din umanong ipakita na wala na silang magagamit na leave credit para maging basehan ng subsidiya na ibibigay ng DOLE.

Para naman sa mga hindi regular o arawang empleyado na kailangang mag-quarantine, ang DOLE ang magbibigay ng trabaho sa kanila sa bawat araw ng quarantine pero minimum lamang ang magiging suweldo.

May budget umano ang DOLE para sa emergency employment program kung saan bibigyan nila ng trabaho ang apektadong manggagawa.

Kailangan umanong pumunta sa kanilang regional offices ang manggagawa.