Wilbert Ross, inilabas na ang ikalawang single na “Kung Siya Man”

Inilabas na ng “Hashtags” member na si Wilbert Ross ang pinakabago niyang kanta mula sa Star POP na “Kung siya Man,” ang sequel ng 2019 hit single niya na “Maaari Ba.”

Pinupunto ng kanta ang pagbibigay ng kalayaan sa isang tao kahit na gaano man ito kasakit, at kung paanong minsan, ang pagmamahal ng buong-puso ay nangangahulugan ng pagtanggap ng mas kaunti sa nararapat para sa iyo.

Ipinagpapatuloy ng “Kung Siya Man” ang malungkot na kwento ng debut single ni Wilbert na “Maaari Ba,” na tungkol sa pagkasira at pagtatapos ng isang magandang relasyon.

Ipinarating naman ng fans ng 23-year-old na actor-singer ang pagkatuwa nila sa kanta sa pamamagitan ng pagko-komento sa lyric video nito sa YouTube. “I feel it, mas feel ko yung ikaw yung nasa tabi niya pero iba yung hinahanap,” ani Riza Mae Guinoo.

“Kung papakinggan natin ang kanta ang meaningful kasi eh, bukod sa nasasaktan siya, nagsisisi din siya kasi naghiwalay sila. Kaya lesson learn[ed] pag-isipan muna bago gumawa ng hakbang. Ang ganda ng kanta,” sabi ni Jaymark Batin.

Si Wilbert ang sumulat at nag-prodyus ng kanta, kasama si Huly Ray Asidor bilang arranger at si ABS-CBN Music head Roxy Liquigan bilang executive producer.

Bago naging opisyal na miyembro ng new wave ng boy group ng “It’s Showtime” na “Hashtags” noong 2017, naging contestant muna ng “Tawag ng Tanghalan” at “Pinoy Boyband Superstar” si Wilbert noong 2016. Bukod sa pagiging mainstay sa noontime show, bumida na rin siya sa ibang proyekto, gaya na lang sa top-grossing film na “Hello, Love, Goodbye.”

Pakinggan ang bagong kanta ni Wilbert na “Kung Siya Man” tungkol sa pagbitaw sa ngalan ng pag-ibig sa iba’t ibang digital streaming platforms. Para sa iba pang detalye, i-follow ang StarPOP PH sa Facebook (www.facebook.com/starpopph) at Instagram (@starpopph). Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.