Viva bossing nagsalita na sa Matteo-Sarah wedding

Boss Vic Sarah Matteo secret weddingPinayuhan ni Viva big boss Vic del Rosario si Mommy Divine, mommy ni Sarah Geronimo, na hayaan ang anak sa kanyang decision na magpakasal kay Matteo Guidicelli.

Nagkaroon ng secret wedding si Sarah at Matteo nitong February 20 sa Taguig City.

Sa interview ni Raffy Tulfo sa kanyang radio program na ‘Wanted sa Radyo’, tinawagan umano si Boss Vic para pumunta sa isang hotel sa BGC para kausapin si Mommy Divine, matapos pumunta sa isang uninvited dinner, na wedding reception pala ng dalawa.

Sa pagdating ni Mommy Divine nagkaroon ng ‘commotion’ sa kasal kaya nakiusap si Matteo kay Boss Vic na mamagitan.

“Si Matteo ang tumawag sa akin, sabi niya, baka mabuti dumating ka dito at maawat yung gulo. Agad-agad tumakbo ako dun, siguro walang 10 to 15 minutes andun na ako. Pumunta ako sa loob ng kwarto at agad-agad sabi ko kay Sarah, mabuti pa lumabas ka at kami ng mommy mo mag-usap,” pagkukuwento ni Boss Vic.

Dito niya sinabi kay Mommy Divine na hayaan na ang dalawa dahil kasal na ang mga ito.

Naniniwala si Boss Vic na maayos din ang lahat pagdating ng tamang panahon.

Ang Viva ay talent management agency nina Sarah at Matteo.