Vendors sa Divisoria tablado na kay Yorme Isko; Tinawag na mga baboy, walanghiya!

“Ngayon wala na kayong hanapbuhay, binababoy n’yo ang Maynila.”

Ito ang pagbabanta ni Manila Mayor Isko Moreno sa ilang vendors na inabutan sa Divisoria ngayong umaga nang isagawa ang surprise inspection sa pinagtitindahan ng mga vendors.

Nainis ang alkalde sa inabutang tambak ng mga basura na iniwan ng mga vendors.

“Kayo ba hindi nahihiya nyan o talagang mga baboy kayo sa mga bahay n’yo!’ sambit ni Mayor Isko sa naabutang mga vendor na nagliligpit ng mga paninda.

Bunsod ng iniwang mga basura ay nagdesisyon si Isko na ipatigil na ang pagtitinda ng mga vendor sa bahagi ng Ylaya.

“Kung ganyang basura din lang ang iiwan sa atin, 24 hours na bawal magtinda sa Ylaya,” utos ni Mayor Isko.

Bago ang pangyayari ay pinapayagan ng pamahalaang lungsod ang mga vendor na magtinda sa ilang kalye sa Divisoria dahil sa pakiusap ng mga ito na makapaghanapbuhay.