Isa na namang kalunus-lunos na balita ang tumambad sa mga naulila ng pinatay na overseas Filipino worker (OFW) na si Jeanelyn Villavende sa Kuwait.
Ito ay matapos kumpirmahin ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawa nilang awtopsiya sa mga labi ni Villavende na posible itong na-rape.
Ang resulta ng autopsy ay kinumpirma ni NBI medico-legal officer Dr. Ricardo Rodaje matapos kumuha ng samples sa biktima para makumpirma ang pangambang biktima rin ito ng panggagahasa.
Gayunman ay nakatakda pa itong isailalim sa mga laboratory test at sa lalong madaling panahon ay ilalabas nila ang pinal na autopsy result.
Bukod sa dudang biktima ng panggagahasa ay nadiskubre rin ng NBI na nawawala ang utak ni Villavende.
Tanging atay, spleen, kidneys at baga ang naiwan sa OFW.
May mga sugat din si Villavende na karamihan ay sa likurang bahagi ng kanyang katawan.
Si Villavende ang domestic helper sa Kuwait na pinatay umano sa bugbog ng kanyang among babae noong nakaraang buwan.
Heart at lungs failure ang kinumpirmang sanhi ng kamatayan ni Jeanelyn base sa isinagawang pagsusuri ng mga awtoridad sa Kuwait.