UMPISA NA NG PAGHIHINTAY AT PAG-ASA: Coronavirus experimental vaccine naiturok na

Nag-umpisa na ang pagtuturok at paghihintay ng resulta sa kauna-unahang experimental coronavirus vaccine.

Umaasa ang mga scientists sa Kaiser Permanente Washington Research Institute sa Seattle na magiging maganda ang resulta ng kanilang pag-aaral.

Ang vaccine na ito ay may code-name na mRNA-1273 at binuo ng National Institutes of Health (NIH) at Massachusetts-based biotechnology company na Moderna Inc.

Kakaiba ang vaccine candidate na ito dahil wala itong coronavirus kaya hindi mahahawa ang mga nagboluntaryong maturukan sa eksperimentong ito.

Ang mga karaniwang vaccines ay may sangkap ng iba’t ibang sakit pero ang mRNA-1273 ay hindi sinangkapan ng coronavirus.

Itinurok na ito ng mga U.S. researchers sa kauna-unahang pagkakataon at ngayon ay nag-umpisa na ang paghihintay sa magiging resulta nito.

Isang operations manager umano sa isang maliit na tech company ang unang tumanggap ng turok.

“We’re team coronavirus now,” ayon kay Kaiser Permanente study leader Dr. Lisa Jackson sa bisperas ng kauna-unahang pagtuturok.

Ang National Institute of Allergy and Infectious Diseases (NIAID) na bahagi ng ng National Institutes of Health ang kabilang sa nagpopondo sa eksperimentong ito kung saan may 45 healthy adults na may edad mula 18 hanggang 55 ang nagboluntaryong maturukan at pag-aaralan ang epekto sa kanilang katawan sa loob ng 6 na linggo.

Pag-aaralan din dito ang iba’t ibang doses ng experimental vaccine at ang kakayahan nitong palakasin ang immune responde sa mga naturukan.

Kailangan munang malaman kung ligtas itong gamitin sa tao at kung magiging mabisa ito laban sa coronavirus o COVID-19.

Sakali man umanong maging matagumpay ang eksperimento, hindi pa magiging available sa merkado ang vaccine sa loob ng 12 hanggang 18 buwan.

Sa kasalukuyan, ang mRNA-1273 ay hindi nag-iisang potensyal na vaccine laban sa coronavirus dahil marami pang research groups sa U.S., China at South Korea ang nag-uunahang makabuo ng epektong bakuna laban sa COVID-19.