UAE isasama sa travel ban

Balak ng Department of Health (DOH) na irekomenda na maisama na rin sa ipinatutupad na travel ban ang United Arab Emirates (UAE) matapos na isang Filipino negosyante mula sa Dubai ang nagpositibo sa bagong UK variant.

Ayon sa DOH, habang hindi pa naisasama ang UAE sa travel ban list ng Pilipinas, nagsasagawa na rin ang pamahalaan ng “pro-active stance” at isasailalim ang mga biyahero mula sa nasabing bansa sa genome sequencing.

Gayundin ay gagawin na rin sa UAE ang mga kahalintulad na protocols para sa mga bansa na nagkumpirmang nakapagtala ng UK variant.

Una nang kinumpirma ng DOH at ng Philippine Genome Center (PGC) na na-detect nila sa Pilipinas ang B117 SARS-CoV-2 variant o UK variant, mula sa samples ng isang Pinoy na bumiyahe sa UAE noong Disyembre at umuwi sa bansa nitong Enero 7 lamang.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, ang pasyente ay isang 29-anyos na lalaki, at residente ng Kamuning, Quezon City.

Nagtungo umano ito sa Dubai para sa isang business trip at umuwi sa Pilipinas sakay ng Emirates Flight No. EK 332.