Travel ban sa Taiwan binawi ng ‘Pinas

Nabunutan ng tinik ang may 160,000 overseas Filipino workers sa ginawang pagtanggal ng gobyernong Duterte sa naunang ipinatupad na travel ban sa Taiwan dahil sa kaso ng COVID-19 na patuloy na kumukitil sa buhay ng mahigit 1,000 katao na sa buong mundo.

Kaugnay nito ay nagpaabot ng pasasalamat si Taiwan-Manila Economic and Cultural Office (MECO) chair Lito Banayo sa ilang public official sa mabilis na aksyon para matanggal ang travel ban sa Taiwan.

“We thank the IATF for their open-mindedness that allowed the reconsideration of the travel ban on Taiwan. MECO and the 160,000 overseas Filipinos here are very thankful for their quick action, and the President for his openness and concern,” bahagi ng pahayag ni Banayo.

Partikular na pinasalamatan ni Banayo ay sina Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, Labor Sec. Bebot Bello at National Security Adviser Jun Esperon,Executive Secretary Salvador Medialdea dahil sa pagpapaabot kay Pangulong Rodrigo Duterte ng panawagan ng mga apektaadong OFWs.

“We also thank [Health] Secretary [Francisco] Duque for his appreciation of the strict protocols that we at MECO have undertaken to prevent any possibility of a spread of the COVID 19 contagion,” ayon pa kay Banayo.

Ang travel ban ay ipinatupad ng gobyerno sa Taiwan na pinalagan ni Banayo dahil hindi naman parte ng China ang kanilang lugar.

Kaugnay nito ay ikinatuwa ng gobyerno ng Taiwan ang pagbawi ng Pilipinas sa travel ban.
Base sa naging pahayag ng Taipei Economic and Cultural Office in the Philippines (TECO), ginagawa naman ng pamahalaan ng Taiwan ang lahat para maawat ang pagkalat ng disease.

“The Republic of China (Taiwan) attaches great importance to its long-standing relationship with the Republic of the Philippines. We are determined to strengthen our bilateral ties and promote our people-to-people connectivity,” bahagi ng ipinalabas na statement ng TECO.