Sinabi ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) na kanila nang naipamahagi sa may 4,000 drayber ng transport network vehicle service (TNVS) sa National Capital Region (NCR) ang tulong pinansiyal sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) Bayanihan Fund:
Tulong Laban sa COVID-19. Sila ay tumanggap ng P8,000 bawat isa sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines (LBP) na malapit sa kanilang tinitirhan.
Ang nasabing halaga ay batay sa minimum wage ng NCR.
Ang mabilis na paglabas ng kanilang tulong pinansyal ay nagawa pagkatapos ng pagpirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) ng mga opisyales ng DSWD, Department of Transportation-Land Transportation, Franchising, and Regulatory Board (DOTr-LTFRB), at ng LBP noong ika-3 ng Abril para sa malawakang implementasyon ng SAP sa mga drayber ng public utility vehicles (PUVs) sa buong bansa na naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng nasabing MOA, ang mga maaaring tumanggap ng SAP tulong pinansyal ay ang mga drayber ng sumusunod: public utility jeepneys, mga bus (PUJs/PUBs), point to point na mga bus (P2P), transport network vehicle service (TNVS), UV Express, taksi, school transport, tourist transport, at mga motorcycle taksi. Abot sa P5,000 hanggang P8,000 ang maaaring matanggap ng drayber sa bawat pamilya na ibabatay sa minimum wage ng kanilang rehiyon.
Ang pamamahagi sa mga target beneficiary ay gagawin ng DSWD sa pamamagitan ng kanilang programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at tinukoy ng DOTr-LTFRB batay sa kanilang database.
Ang kanilang database ay itutugma sa database ng DSWD katulad ng LISTAHANAN at ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para maiwasan ang duplikasyon ng tulong.
Tungkulin naman ng LBP ang pagpapalabas ng SAP tulong pinansyal sa mga tinukoy na benipisyado.
Ang apat na libong pamilya na may TNVS drayber ang unang grupong nakatanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng SAP.
Ayon sa DSWD, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa DOTr-LTFRB at LBP para sa mabilis na pagpapalabas ng nasabing tulong sa iba pang drayber.
Maaari namang tingnan ng mga drayber na hindi pa nakatatanggap ang kanilang pangalan sa website ng DOTr-LTFRB kung kasama sila sa listahan.
Samantala, nakapamahagi na rin ang DSWD sa abot sa 161 na mga drayber na kasapi ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) ng Lungsod Pasay noong nakaraang ika-3 ng Abril at lahat ng benipisyado ng Pantawid na may cash card nitong unang Linggo ng Abril.
Ayon sa DSWD patuloy silang mamamahagi ng SAP sa mga maralita at bulnerableng mamamayan na lubhang naapektuhan ng isinasagawang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon habang sinusunod naman ang pinaiiral na protokol pangkalusugan at kaligtasan. Paalala ng DSWD, ang SAP ay ipinamamahagi sa bawat pamilya na may tukoy na benipisyado at hindi sa bawat tao na tinukoy bilang maaaring maging benipisyado.
Source: Lucia F. Bronio, Philippine Information Agency, April 9, 2020