Task force binuo upang ‘Hatid-Probinsiya,’ ‘Balik-Abroad’ mapabilis

Hatid Probinsya Balik AbroadBumuo ng task force ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpapabilis sa pag-uwi ng mga overseas Filipino worker mula sa iba’t ibang quarantine facility patungo sa kanilang mga tirahan at pabilisin ang pagpoproseso ng mga manggagawang paalis ng bansa.

Ipinag-utos ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pagdaragdag ng mga tauhan mula sa mga regional at attached agency ng DOLE upang mapalakas ang kinakailangang kawani ng Overseas Workers Welfare Administration at matiyak ang mabilis na land at air transport, maging ang pagpoproseso sa mga OFW mula sa mga quarantine facility pauwi sa kanilang mga tirahan.

Ginawa ang hakbangin kasunod ng direktiba ni Pangulong Duterte na agad mapauwi ang lahat ng mga OFW na nag-negatibo sa COVID-19 test na isinagawa ng Philippine Coast Guard at Red Cross.

Tinatayang aabot sa 24,000 OFW ang nasa mga quarantine facility ng pamahalaan mula ng sila ay bumalik sa bansa.

Karamihan sa mga manggagawa ay nagreklamo na dahil sa mabagal na paglalabas ng mga resulta at clearance kasabay ng ilang linggo at buwan ng pananatili sa quarantine matapos ang mga test.

Sa isang administrative order, bumuo si Bello ng hiwalay na task group upang mapabilis ang pagpoproseso ng mga paalis na land at sea-based na manggagawa na papunta sa mga bansang inalis na ang pagbabawal sa pagtatrabaho ng mga dayuhang manggagawa.

“Ginagawa natin ito upang hindi tuluyang mawalan ng trabaho ang ating mga OFW at nang sa gayon ay mabilis ring makauwi ang mga pabalik na OFW sa ating bansa,” wika ni Bello.

Sinabi rin niya na hindi intensyon ng gobyerno na makadagdag abala sa mga pauwing OFW dahil sa pananatili sa quarantine at delay sa resulta ng mga test.

“Hindi kontrolado ng DOLE at OWWA ang testing at ang pag-iisyu ng clearance,” dagdag pa niya.

Liban sa pagtulong sa pagpoproseso sa mga paparating at paalis na OFW, ang mga task group para sa ‘hatid-probinsya’ at ‘balik-abroad’ ay magsisilbi rin bilang monitoring office para sa mga OFWs na hihingi ng tulong para sa repatriation.

Ang mga task group ay nakadestino sa central command Center na pinamumunuan ng mga opisyal mula sa OWWA, Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ang International Labor Affairs Bureau ng DOLE.

Ang Center ay pangangasiwaan naman ni dating labor secretary Marianito Roque at ng tatlong undersecretary ng kagawaran.