Tuloy-tuloy ang pagpapauwi ng pamahalaan sa mga stranded Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Metro Manila patungo sa kani-kanilang probinsya sa ilalim “Hatid Probinsya Para sa mga OFW” program.
Alinsunod ang programa sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at layunin ng National Task Force (NTF) na mapauwi ang mga stranded OFWs na naapektuhan ng ipinatutupad na community quarantine.
Ngayong araw, 26 May 2020, nananatiling bukas ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 para bigyang pagkakataon ang mga OFW na makabiyahe nang libre pauwi sa kani-kanilang mga lugar.
Magsisimula na ding magbigay ng libreng sakay para sa mga stranded OFW ang ilang sea vessels ngayong araw. Kahapon, 717 na mga OFW ang naihatid sa kani-kanilang probinsya.
Ngayong araw naman ay may mga naka-schedule na biyahe patungong Pangasinan, Baguio, Tarlac, Bulacan, Ilocos Norte, Quezon province, Bicol Region, Tuguegarao, at Cagayan.
Samantala, tuluy-tuloy rin ang pagtanggap ng NAIA Terminal 2 sa mga OFW na nais umuwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Mula sa 2,762 na mga pasaherong napagserbisyuhan kahapon, inaasahang madaragdagan pa ang bilang na ito sa pagtatapos ng araw.
Para makapag-avail sa programa, kinakailangang iprisenta ng mga OFW ang kanilang quarantine clearance pagpasok ng mga terminal bago payagang makaalis.
Ito ay pagpapatunay na dumaan sila sa mandatory quarantine at nag-negatibo sa COVID-19 swab test alinsunod sa kautusan ng Department of Health (DOH) at Bureau of Quarantine (BOQ).
Target ng pamahalaan na makapag-pauwi ng kabuuang bilang na 24,000 OFWs na idineklarang negatibo sa COVID-19 infection na naproseo ng pamahalaan.
Sanib-puwersa sa inisyatibong ito ang Department of Transportation (DOTr), Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Ports Authority (PPA), Office for Transportation Security (OTS), Manila International Airport Authority (MIAA), Land Transportation Office (LTO), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).