Kaalinsabay ng pagpapalakas sa online servicing ay hinikayat ng Social Security System (SSS) ang mga miyembro na i-download ang SSS Mobile Application upang mas mapadali ang kanilang transaksyon sa ahensya.
Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer, Aurora C. Ignacio na layunin ng SSS, sa pamamagitan ng SSS Mobile Application, na mapabilis at mapadali ang proseso ng mga transaksyon at mapaiksi ang pila sa mga sangay nito.
“Sa pamamagitan ng SSS Mobile App, madali ng makipagtransaksyon ang mga miyembro kahit kailan at saan man gamit lang ang kanilang mobile devices kaysa magtungo pa sila sa sangay ng SSS,” sabi ni Ignacio.
Makikita sa SSS Mobile App ang kabuuang detalye ng rekords ng isang SSS member gaya ng kontribusyon, natitirang loan, status ng benepisyo at membership information.
Maaari ring gamitin ito upang magsumite ng aplikasyon para sa salary loan at maternity notification at mag-generate ng Payment Reference Number o PRN.
Ang SSS Mobile App ay libreng maida-download sa Google Play Store, Apple App Store at Huawei App Gallery at gumagana sa Android 4.4 KitKat at iOS 8.0 o mas mataas pang Android Mobile operating system. Sa pagtatapos ng Oktubre-2019, mahigit 2.38 milyong beses na itong nai-download sa Google Play Store kung saan pangatlo ito sa nangunguna sa Free Productivity Category. Gayundin, maging sa Free Utilities Category ay pumangatlo ito sa nangunguna dahil sa mahigit 261,000 downloads sa Apple Store.
Mahigit isang buwan pa lamang simula nang mailunsad ito sa Huawei App Gallery noong ika-7 ng Oktubre ngunit mayroon na itong 18,000 downloads at ikalawa sa nangungunang libreng aplikasyon sa ilalim ng Finance Category.
Bukod sa SSS Mobile App, hinihikayat din ng SSS ang mga miyembro na gamitin ang iba pang online service facilities nito tulad ng My.SSS portal sa SSS website, Self-Service Express Terminals (SET) at Text SSS.