Samu’t sari ang mga suhestiyon at kuro-kuro para masolusyonan ang tinatawag nang krisis sa traffic sa EDSA at sa iba pang mga major thoroughfare sa Metro Manila gayundin din sa Cebu City na nabalita na rin kamakailan na dumaranas ng sobrang traffic katulad ng sa National Capital Region.
Pero sa South Korea (SoKor) ay inilunsad na ang kakaibang ideya hindi lamang para maiwasan ang traffic kung hindi para rin pangalagaan ang kalikasan.
Kauna-unahan ang SoKor sa mga bansa na magpapauso ng fully autonomous driving o ang tatawaging “driverless car/self-driving car” para makopo ang titulong “world’s No.1 green car provider”.
Ayaw talaga magpahuli ang bansang kilala sa home appliances and personal gadgets, Samgyupsal, Koreanovela, KPop, BTS, Black Pink, at iba pa.
Sampung taon mula ngayon ay makikita na raw ang teknolohiya ng future mobility na ito ayon kay SoKor President Moon-Jae. Kasama sa balak ng Pangulo nila ang transportation innovation na “flying cars”.
Papatakbuhin ng kuryente at hydrogen mula sa charging stations ang mga kotse at ang kumpanyang Hyundai Motor ang magpopondo nito sa halagang 41 trillion won (tawag sa pera ng mga Korean).
Bahala naman ang gobyerno ng SoKor sa infrastructure, telecommunications, maps, traffic controls at road network para sa autonomous vehicles. Kasama rin sa gagawin ng bansang ito ang mga bagong batas o patakaran kaugnay ng self-driving cars katulad ng acceptability, safety, production and operations, performance at insurance.
Ganito rin ang plano nila para sa pagpapalaganap ng paggamit ng flying cars.
Tutulungan ng app ang smart at state of the art mobility services na ito.