Sky Direct, TV plus ng ABS-CBN sinara rin ng NTC

Dinamay na rin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang digital broadcast ng ABS-CBN na TV Plus at ang satellite broadcast sa SKY Direct sa buong bansa.

Ayon sa inilabas na pahayag ng ABS-CBN nakatanggap ito ng isa pang cease and desist order mula sa NTC kung saan ay inaatasan itong itigil na ang transmission ng digital TV nito sa Metro Manila sa Channel 43.

Hindi kasama ang channel 43 sa CDO na unang inisyu ng NTC sa kompanya nung May 5 na nag-utos na itigil ang pagbroadcast sa TV at sa radio.

Ang pagbroadcast sa channel 43 ang hinaharang ng bagong kautusan ng NTC.

Dahil sa order ng NTC, hindi na mapapanood ang mga programa ng ABS-CBN tulad ng Teleradyo, Jeepney TV, Yey!, Asianovela Channel, CineMo, at KBO ngayong gabi.

Samantala, umaasa ang ABS-CBN na mabigyan ng Korte Suprema ng linaw ang mga isyu sa pagitan nito at ng NTC sa madaling panahon para maari na muling makabalik sa operasyon.