Shoot to kill sa MECQ pasaway binira ni Hontiveros

Binatikos ni Senator Risa Hontiveros ang kautusan ni Quezon City Task Force Disiplina head Rannie Ludovica na ‘shoot to kill’ sa mga pasaway sa modified enhance community quarantine (MECQ) sa lungsod.

Ang reaksyon ay ginawa ng senadora kasunod ng ginawang deklarasyon ng opisyal sa kasabay ng implementasyon ngayong araw ng MECQ hanggang sa Agosto 18.

Nanawagan din si Hontiveros sa tanggapan ni Mayor Joy Belmonte at sa Commission on Human Rights na kastiguhin ang opisyal sa marahas na kautusan.

“Subukan mo nang malaman mo. Am calling the attn of @officialqcmayor Joy & @CHRgovph As a QC resident for the last 35 yrs, I will personally work to hold this public official accountable for inciting violence vs civilians. Sino ngayon ang terorista?,” giit ng senadora.

“Hindi tayo aatras sa pagpapaalala sa mga abusadong opisyales kagaya nito na walang nalulutas sa dahas. Hindi tama ang konduktang ito mula sa isang opisyal ng gobyerno. Gawin natin ang trabaho natin nang walang pagbabanta ng patayan sa gitna ng pandemya. Hindi ka nakakatulong,” pahayag pa ni Hontiveros.