Senador Pacquiao may P.5M reward sa Dacera rape slay suspects

NAGLAAN si Senador Manny Pacquiao ng P500,000 reward sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon para madakip ang mga suspek sa sa rape-slay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Kinilala ang mga suspek na sina Gregorio Angelo de Guzman, Louie de Lima, Clark Jezreel Rapinan, Rey Englis, Mark Anthony Rosales, Jammyr Cunanan, Valentine Rosales, Ed Madrid, at isang “Paul.

“‘Yung may alam na magsalita, may reward akong P500,000 doon sa makakahuli sa mga gumawa,” ani Pacquiao sa panayam sa DZRH kahapon.

“Gagawin ko lahat ng aking makakaya para maparusahan ang mga pumatay sa kaniya,” dagdag nito.

Ayon kay Pacquiao, personal niyang kilala ang pamilya Dacera dahil pareho silang taga-General Santos City.

“Kilala ko ‘yang Dacera family. ‘Yung mga kamag-anak nila kalaro ko palagi sa basketball,” giit ni Pacquiao.

Matatandaang si Dacera ay natagpuang patay sa bathtub ng isang City Garden Grand Hotel sa Makati City noong Bagong Taon.