Selena Gomez naghahabol ng $10M sa online gaming companies

Sa panahong ito, wala nang libre kaya naman naghahabol na si Selena Gomez sa mga gaming companies na gumagamit sa kanyang kasikatan nang walang permiso.

Kinasuhan ng singer ng tumataginting na $10 milyon ang mga gaming companies na gumagamit sa kanyang mukha nang walang kaukulang permiso Kasama sa mga kinasuhan ni Gomez ang mga software at technology firms na kanyang inakusahang kumikita gamit ang kanyang imahe.

Sa exclusive report ng TMZ, nagulat pa umano si Selena nang makarating sa kanyang kaalaman na mayroong mobile game na “Clothes Forever-Styling Game” kung saan ginagamit ang kanyang mukha.

Kinuha lamang umano ang kanyang cover photo sa fashion publication na Flare at ito ang ginamit sa online gaming app.

Ayon pa sa kampo ni Selena, pinagtrabahuhan niya ang kanyang career kaya naman ngayon ang kanyang mga sponsored posts ay nagkakahalaga ng $800,000 bawat isa pero binabalewala ito ng mga online game na gumagamit sa kanyang kasikatan.

Bukod sa $10 milyong danyos perwisyo, iginigiit ng kampo ni Selena na bigyan siya ng parte sa mga kinita at patigilin na rin ang mga ilegal na business practice ng mga ganitong kumpanya.