Inihayag ni Makati Mayor Abby Binay na nakatakdang simulan sa darating na linggo ang muling pagbibigay ng flu shots para sa limang libong Makatizens na hindi umabot sa naunang vaccination drive na isinagawa noong buwan ng Agosto.
Ayon kay Mayor Abby, ang flu shots na libreng ibibigay sa mga senior citizens at mga vulnerable na residente ay magiging dagdag proteksyon para palakasin ang kanilang immune system at upang maiwasan ang kumplikasyong dulot ng COVID-19.
Aniya, ang mga residenteng nais makakuha ng libreng flu shots ay kailangan lamang pumunta sa Proud Makatizen website na www.proudmakatizen.com para makapag-register.
Ang flu vaccination drive ng pamahalaang lungsod ng Makati ay nakapagtala na ng halos 20,511 na indibidwal na nakatanggap ng flu shots. Ang trivalent flu shots ay sumasaklaw sa tatlong strains ng influenza: ito ay ang influenza A or H1N1, influenza A or H3N2, at ang influenza B.
Bukod pa ito sa mga libreng gamot at vitamins na ibinibigay din sa mga residente at empleyado ng lungsod.