Scher Padilla miniature foods pruweba ng galing ng Pinoy

Kahit sa anumang larangan, angat talaga ang husay at galing ng Pinoy.

Isa rito ang artist na si Scher Padilla na nakalikha ng sining sa pamamagitan ng paggamit ng polymer clay sa paggawa ng miniature na pagkain.

Kung sa larawan mo lang titingnan ang kanyang mga likhang miniature na pagkain, aba eh talagang matatakam ka at matutukso kang tumikim dahil aakalain mong totoo talaga ang mga ito.

Sabi ni Padilla, mahilig siya sa pagkain at laruan kung kaya’t naisipan niyang maghulma ng mga maliliit na pagkain gamit ang polymer clay.

Nabaling ang kanyang atensyon sa paggawa ng miniature na pagkain dahil bihira pa raw ang gumagawa nito noong maging hobby niya ito.

Gamit ang polymer clay, sinimulan niyang gumupit, maghulma at magpinta ng pinakamaliliit na bersyon ng mga paborito niyang pagkain tulad ng siopao, halo-halo, isaw, pandesal, silog meal, hopia at kahit na ang mga paboritong ino-order sa mga sikat na fast food chain.

Tulad ng inaasahan, hinangaan ang mga likha ni Padilla.

Sa disenyo, kulay at hugis, kuhang-kuha niya ang pinakamaliliit na detalye para gawing makatotohanan ang mga ito.

Sino nga ba ang makapagsasabi na ang kanyang munting hobby o pampalipas-oras ay tatanghaling sining sa larangan na iilan lang ang umaangat?