Save Angkas! Sinuportahan ng mga pasahero

Naglabas ng opisyal na pahayag ang Angkas tungkol sa pagbabawas ng kanilang drivers sa susunod na taon dahil sa pasya ng Land Transportation Franchising and Regulatory (LTFRB).

Nanganganib ang mahigit 25,000 Angkas drivers na mawalan ng trabaho kaya humihiling sila ng suporta sa kanilang suking mananakay.

Save Angkas

 

Nagkaroon sila ng unity gathering ang riders at supporters ng Angkas sa EDSA Kalayaan Shrine noong, December 22, bilang protesta sa paglimita ng hanggang 10,000 bikers na lamang sa bawat transport network company na motorcycle taxi.

Maraming netizens ang nagpahayag ng suporta at nag-trending ang #SaveAngkas sa social media dahil sa malaking tulong ng Angkas lalo na sa mabigat na traffic sa Kamaynilaan.

Saad pa ng ilang netizens, imbes na magbigay ng mabisang transportation system ang LTFRB, lalo pa nitong pinahihirapan ang mga mananakay kung babawasan ang Angkas drivers.

Hinimok naman ng mga opisyal ng Angkas ang Kongreso at Senado na magkaroon ng imbestigasyon tungkol sa iregularidad ng technical working group (TWG) ng LTFRB na nangangasiwa ng motorcycle taxis.

Nagsuspetsa umano sila sa iregularidad ng TWG matapos ang kanilang desisyon na limitahan ang bilang ng rider ng Angkas hanggang 10,000.

Dagdag pa ng pamunuan, hindi maaaring ilipat ang kanilang mga drayber ng sapilitan sa dalawa pang motorcycle taxi company na JoyRide at Move It.

Nauna nang binigyan-pansin ni Senators Grace Poe at Ralph Recto at humihingi ng klaripikasyon sa Department of Transporation (DOTr) tungkol sa desisyon na ito.