Matapos magbigay ng go signal na puwede nang magbukas ang mga sinehan kasabay ng pagbabalik sa normal ng buhay, binawi ng China government ang kautusan dahil umano sa takot na ikalawang bugso ng coronavirus pandemic.
Ayon sa ulat ng The Hollywood Reporter, binawi ng Beijing Film Bureau ang kautusan na puwede nang magbukas ang mga sinehan at muling inutos ang shutdown.
Ilang oras pa lamang umanong naibababa ng China ang utos na puwede nang mag-reopen ang kanilang mga sinehan nang bawiin ito.
Naunang iniulat na magbubukas na ang may 200 sinehan sa Shanghai matapos subukan ang limitadong cinema re-opening noong nakaraang linggo sa ilang hindi mataong probinsya ng China.
Sa buong China, 600 sinehan na ang nagbukas pero bigla uli silang ipinasara nang bawiin ang go signal.
Walang ibinigay na pormal na paliwanag pero maugong ang mga espekulasyon na nangangamba ang Chinese government na magkaroon ng second outbreak ng coronavirus sa kanilang bansa.
Magugunitang nag-lockdown ang China noong Enero kung saan 70,000 sinehan ang isinara sa China sa loob ng mahigit dalawang buwan.