Programang ‘PasaBuy’ ng gamot, inilunsad sa Kalayaan

Inilunsad ng Kalayaan Rural Health Unit o RHU ang programang ‘PasaBuy’ ng mga gamot bilang isa sa mga libreng serbisyo sa mga mamamayan sa bayan ng Kalayaan.

Sa ‘PasaBuy’ hindi na kailangan pang lumabas ang mga mamamayan para lamang makabili ng gamot habang sumasailalim sa Enhanced Community Quarantine.

Ang schedule ng ‘PasaBuy’ ay Lunes, Miyerkules, at Biyernas o MWF na may cut-off nang ika-11 ng umaga.

Sa ika-4 ng hapon naman ang pick-up o pagkuha ng ipinabiling gamot.

“Pupunta po sila sa RHU o sa pinakamalapit na BHS (Barangay Health Station) para ibigay ang reseta kasama ang pera na nakapaloob sa plastic. Babalikan ng 4pm sa pinag-iwanang station para pickupin ang gamot.”

Limitado lamang aniya sa gamot, adult diaper at iba pang pangangailangang medikal na wala sa RHU ang maaaring ipasabay sa pagpapabili.

Ganunpaman, malaking tulong na ito para sa mga Kalayaeños dahil di na sila mahihirapan pa na maghanap ng paraan upang bumyahe at maiiwasan ang posibleng exposure sa virus sa tuwing sila ay lalabas ng kanilang mga tahanan.

“Sa munting paraan pong ito sana ay mas mahikayat ang mga tao na mag-stay at home at maiwasan ang paglabas pasok sa bayan ng Kalayaan. Tulungan po tayo ng pamahalaang bayan sa Enhanced Community Quarantine.”

Samantala, ipinaalam rin ni Dr. Marcaida-Genota na available rin para sa mga mamamayan ang kanilang Online Consultation sa pamamagitan ng Telemedicine.

Ang Online at Phone Consultation na alok ng Kalayaan RHU ay maaaring maabot sa pamamagitan ng pag-te-text o pagtawag sa numerong 0933 347 5786 nang ika-9 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes, kasama ang Holiday.

Source: Joy Gabrido, Philippine Information Agency, April 10, 2020