Pondo ng AKAP ubos na; karagdagang P2B inihahanda na

Halos naubos na ng labor department ang P3.5 bilyong pondo na inilaan upang tulungan ang mga overseas Filipino worker (OFW) na permanente o pansamantalang nawalan ng trabaho dahil sa Covid-19.

Inihahanda na rin ng ahensiya ang P2 bilyon pang pondo ng AKAP sa ilalim ng Bayanihan 2, para sa mas mabilis na pamamahagi nito, pahayag ng labor department nitong Linggo.

Simula noong Nobyembre 30, ang mga OFW na umuwi ng Pilipinas ay maaari ng mag-sumite ng kanilang aplikasyon bago sila umuwi ng bansa, at matatanggap nila ang kanilang benepisyo sa loob ng tatlo hanggang limang araw matapos isumite ang kumpletong dokumento.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mas pinaigsi ang proseso matapos ang direktiba ng Presidente na mas maraming OFW ang dapat makinabang sa tulong-pinansiyal na isang beses lamang matatanggap.

Sa bagong sistema, ang mga OFW na nawalan ng trabaho at nakatakda ng umuwi ng bansa ay magsusumite ng kanilang aplikasyon para sa AKAP sa website oasis.owwa.gov.ph.

“This will shorten the waiting period of OFW applicants as they are now allowed to apply while still onsite and receive the financial assistance once they come back home to the Philippines,” pahayag ni Bello.

Para sa mga na-stranded na Balik-Manggagawa at seafarer na nasuspinde ang kanilang pag-alis dahil sa Covid-19 gayundin ang mga nakatakdang umuwi bago mag-Nobyembre 30, 2020, dapat pa rin silang mag-sumite ng kanilang aplikasyon sa dole-akap.owwa.gov.ph.

Maaari namang isumite ng OFW na nasa onsite at nawalan ng trabaho sa Philippine Overseas Labor Office sa kanilang lugar. Mula ng ipinatupad ng DOLE ang AKAP nitong Abril, may kabuuang 389,996 aplikasyon mula sa mga OFW ang naaprobahan na ng DOLE, sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), DOLE Regional Office, at ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO).

Nitong Nobyembre 28, may P3.45 bilyon ang naipamahagi ng DOLE kung saan 338,900 OFW ang nakinabang. Nakatanggap naman ng 683,369 aplikasyon para sa tulong-pinansiyal sa ilalim ng programang AKAP.

Sa inilaang bagong P2-bilyong pondo mula sa Bayanihan 2, mabibigyan ng P10,000 tulong-pinansiyal ang karagdagang 200,000 OFW.