POEA: OFWs sa Korea, mas mataas na ang sahod

Bukod sa pagkahilig ng Pinoy sa Koreanovela at K-Pop, isa ang South Korea sa pinakapaboritong destinasyon ng Overseas Filipino Workers (OFWs).

Inaasahan na lalo pang madadagdagan ang bilang ng OFWs sa South Korea dahil sa mataas na pasahod.

Tinaasan ng gobyerno ng South Korea ang kanilang minimum wage kaya nakatitiyak ang OFWs na kasama sila sa bagong sistema ng pasahod sa bansang ito.

Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), epektibo na ito mula Enero 1, 2020.

Lahat ng empleyado sa South Korea, anoman ang kanilang employment status o nationality, ay makatatanggap ng hourly minimum wage na 8,580 Korean won (P373) kumpara sa dating 8,350 won (P363) per hour noong 2019.

Ang mga manggagawa ay babayaran ng monthly minimum wage na 1,795,310 won (P78,095) para 209 working hours per month and 40-hour workweek kasama ang paid holidays.

Pinayuhan ng POEA ang OFWs na alamin ang bagong sistema ng pasahod at lumapit sa Philippine Overseas Labor Office o sa pinkamalapit na job stability center kung hindi pa sila nabibigyan ng mas mataas na sahod.