Pinoy teacher hindi alam na ilegal sa China

Isang Pinoy sa China ang problemado dahil nalaman niyang ilegal siyang nagtatrabaho sa naturang bansa.

Sa ulat ng GMA News, nangibang bansa si Aliomar Apad noong 2019 sa isang rehistradong OFW ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Dinala siya ng licensed recruitment agency sa isang paaralan sa Yantai para maging guro.

Nang dumating sa China, kinuha ng employer ang kanyang passport at iba pang dokumento at itinalagang magturo sa isang paaralan sa Weifang.

“Ang nangyari is ‘yong Chinese employer niya, hindi sumunod doon sa usapan sa kung saan siya magtatrabaho. Nagkaroon po ng paglipat sa kaniya na hindi po naaayon sa rules ng POEA at doon po sa ibinigay na visa sa kaniya ng China kaya siya nagkaproblema,” saad ni POEA Undersecretary Bernard Olalia.

Buong akala ni Apad na legal siyang nagtuturo sa bansa nang isang araw ay inutusan siyang magtago ng dahil mayroon umanong “police check” sa paaralan.

“Noong time na ‘yon kinakabahan po ako kasi bakit ako nagtatago eh legal ako,” Ani Apad.

Kaagad na nagpasa ng resignation letter si Apad ngunit hindi siya pinayagan dahil meron siyang 50,000 Chinese Yuan o katumbas ng P350,000 na kailangang bayaran, kaya napilitan na lang siyang tapusin ang kontrata hanggang Enero.

Ngunit nang ibalik ng paaralan ang kanyang pasaportem punit na ang kaniyang valid residence permit.

“Kasi noong sinabi ko na ilalaban ko ‘to, ‘di ako tinutulungan ng embassy. Sabi nila kung kaya ko punta raw ako sa immigration. Sabi ko kailangan ko tulong nila,” saad ni Apad.

Nasa China pa rin si Apad at nakatira sa mga kaibigan. Wala na rin siyang ipon at naisipang tumira na lamang sa kalye.

“Naisip kong tumira muna sa kalye tapos ang lamig po ng panahon. ‘Di ko ma-imagine kasi lahat ng pino-post ko sa Facebook puro masasaya, ayaw kong i-post ‘yong mga nangyayari sa akin sa’kin kasi ‘yong hiya,” emosyonal na pahayag niya.

Nanagako naman si Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana na tutulungan ang OFW at pananagutin ng POEA ang recruitment agency ni Apad.