Pinoy PDLs sa Saudi sasagipin ng mga bagong kasunduan

PRRD Saudi KingPipirmahan na ang tatlong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia (KSA) na tutulong sa mga Pilipino na nakakulong o persons deprived of liberty (PDLs) sa KSA.

Nabalangkas na ang mga kasunduan na Transfer of Sentenced Persons Agreement (TSPA), Extradition Treaty, and the Treaty on Mutual Legal Assistance on Criminal Matters ayon kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary at Spokesperson Markk Perete.

Kailangan na lamang na isumite ang sipi ng nasabing tatlong kasunduan sa mga opisyal ng parehong bansa para malagdaan ng ministers of justice or heads of state.

Inaasahan itong mapirmahan sa pagpasok ng first quarter ng 2020.

Mayroong 91 Pinoy ang nakakulong o PDLs ngayon sa Saudi at 1,002 naman iba pa ang mayroong kinakaharap na imbestigasyon sa mga kasong kriminal.

Aabot sa 84 sa kabuuang 91 na Pinoy na nakapiit ang pinatawan ng parusang pagkabilanggo ng hindi hihigit sa limang taon.

Ang iba naman ay mas mataas pa ang parusa. Karamihan sa mga kaso nila ani Pelete ay utang, pagnanakaw, panggagahasa, pang-aabusong sekswal, at droga.

Ito ang dahilan ayon sa DOJ kaya binigyang pansin nila ang TSPA sa mga pagpupulong sa mga opisyal ng Saudi.

Kung malalagdaan ang TSPA, ang PDLs ay pababalikin sa Pilipinas para ituloy ang nalalabing taon ng kanilang parusa.

Isa sa mga pamantayan ng magiging benepisyaryo ng kasunduan ay ang natitirang parusa na hindi bababa sa anim na buwan.

Makabagong pamamaraan ito batay sa humanitarian law kung saan binibigyan ng pagkakataon ang pagpapanibagong buhay ng mga nahatulan na tapusin ang kanilang parusa sa kanilang bansa kapiling ang pamilya at mga kamag-anak.

Kailangan lamang ang pagpayag ng PDL gayundin ng mga bansa para magkabisa ang repatriation.

Hindi naman kabilang ang mga kaso laban sa estado o bansa katulad na lamang ng pagpatay sa mga kasapi ng royal family ng KSA dahil itinuturing itong krimeng politikal.

Dugtong pa ni Perete, ang mga opisyal ng Saudi ang humiling na balangkasin ang nasabing kasunduan.

Ugat daw nito ang magandang ugnayan lalo na sa turismo sa pagitan ng dalawang bansa.

Country of destination daw ng Saudi nationals ang Pilipinas kaya napakaraming turista mula sa Saudi ang bumibisita sa bansa ayon sa Department of Foreign Affairs.

Dagdag pa ni Perete, ang Pilipinas ay mayroong kasunduan ukol sa extradition sa iba pang bansa katulad ng Australia, Canada, China, Hong Kong, the United States, the United Kingdom, India, at iba pa.

Mayroon namang kasunduan sa mutual legal assistance ang Pilipinas sa Australia, China, Hong Kong, Spain, Switzerland, Korea, United States, at United Kingdom.