PUMALO na sa 24 ang bilang ng mga Pinoy na nasugatan sa pagsabog sa Beirut, Lebanon noong Martes ng gabi at isa rito ang nasa kritikal na kondisyon.
Ito ang kinumpirma ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay kaugnay sa nangyaring pagsabog na ikinamatay ng dalawang Pinoy.
Maliban sa mga nabanggit na biktima, mayroon pang isang nawawalang Pinoy na kabilang sa naunang napaulat na 12 seafarer at isang kasambahay.
Samantala, kinumpirma ng opisyal na karamihan sa mga nasugatang Pinoy ay mga household service worker na pawang nasa bahay ng kanilang mga amo nang maganap ang pagsabog noong Martes ng gabi.