Gumaling na at nakatakda nang lumabas ng ospital ang isang Pinoy na nagpositibo sa coronavirus (COVID-19) sa naka-quarantine na MV Diamond Princess cruise ship sa Yokohama, Japan.
“The Philippine Embassy in Tokyo is pleased to announce that the first Filipino crew member who tested positive for COVID-19 and was admitted to the hospital on February 5 has been successfully treated,” ayon sa inilabas na statement ng Philippine Embassy sa Tokyo.
Kaugnay nito ay napag-alamang umakyat na sa 41 ang bilang ng mga Pilipinong sakay ng cruise ship ang nagpositibo sa COVID-19.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) matapos na anim pang Pinoy ang nakumpirmang positibo sa sakit nitong Miyerkoles, ang huling araw ng 14-day quarantine period para sa mga pasahero at crew ng cruise ship.