Pinay maid sa HK inakusahang nangharbat ng $1.1M

Umaabot sa $1.1M halaga ng mga alahas at iba pang gamit ang diumano’y kinulimbat ng isang Pinay maid mula sa employer nito sa Hong Kong.

Base sa ulat ng online news site na nakabase sa HK, sinampahan ng kaso sa Eastern Court ang 45-anyos na si Carmelita Nones makaraang paratangan ng pagnanakaw ng dalawang gintong relo (Piaget watches) na nagkakahalaga ng $200,000.

Lima pang nakaw na gamit ang nadiskubre ng pulisya na isinangla umano ng housemaid.

Bukod dito, inihayag ng prosekusyon na apat na iba pang items ang nakita sa handbag ni Nones nang maaresto ito sa tirahan ng mga amo nito sa Deepwater Bay nitong Setyembre 4, ng kasalukuyang taon.

Nakilala ang mga amo ng Pinay na si David Liang at misis nito.

Kinumpirna ng mag-asawa na pag-aari nila ang 11 ninakaw na alahas at gamit na may kabuuang halaga na mahigit sa $1.1M.

Muling itinakda ang pagdinig ng kaso ni Nones sa Nobyembre 29, ngayong taon.