Pinay drug trafficker pitong taong kulong sa HK

Makukulong ng halos pitong taon ang isang Pinay mom na natiklo sa heroin trafficking sa Hong Kong.

Nitong Miyerkules, Oktubre 23, ngayong taon ay inilabas ni Court of First Instance Justice Joseph Yau ang sentensiyang anim na taon at 10 buwang pagkakabilanggo laban sa 42-anyos na Pinay Hong Kong resident na si Michelle A. Dabao.

Batay sa ulat, naaresto ang Pinay noong Oktubre 17, ng nakalipas na taon matapos salakayin ng mga awtoridad ang unit na inuupahan nito sa Man Fung Industrial Bldg sa Chai Wan.

Nakumpiska ng mga Customs officer ang 138 gramo ng heroin hydrochloride na tinatayang nagkakahalaga ng $117,344.

Ayon sa abogado ng prosekusyon, malinis naman ang record ni Dabao sa HK.

Nagtrabaho ito bilang waitress na may sahod na $13,000 kada buwan.

May-asawa si Dabao at 17-anyos na anak na nag-aaral sa Hong Kong school.

Inilahad naman ng defense counsel na si Leslie Parry na noong taong 2017 ay nasugatan si Dabao sa naganap na traffic accident.

Apat hanggang limang buwan na naratay sa ospital ang Pinay na inoperahan at kinabitan ng bakal sa binti.

Dala ng sinapit ay hindi na nakapagtrabaho ang Pinay hanggang sa nangutang sa loan sharks.

Natuto umanong gumamit ng iligal na droga ang ginang hanggang sa nakilala nito ang ilang indibidwal na nag-udyok sa kanya na makisawsaw sa drug trafficking.