PH team nag-uwi ng ginto sa World Robot Olympiad

Tinanghal na kampeon at nag-uwi ng ginto ang Philippine Robotics National Team na kinakatawan ng Dr. Yanga Colleges Inc. (DYCI) sa World Robot Olympiad sa Hungary.

Tinalo ng kinatawan ng Pilipinas ang may 74 bansa na may 2,700 participants sa prestigious at largest Robotics and Advance Robotics event sa buong mundo.

World Robotics Olympiad

Ang napanalunang ginto ng Pinas ay sa pamamagitan ng DYCI Junior Primes sa Elementary-Open Category na ginanap noong Nobyembre 8 -10, 2019 sa Győr Városi Egyetemi Csarnok Stadium.

Binubuo ang DYCI Junior Primes team nina Gabriel Ortega, Ayesha San Pedro at Leslie Guadalupe.

Tumayo namang mentor ng mahuhusay na mga kabataan ay sina Beryl Cruz, Anne Raz, King Olgado, at DYCI President Kel Yanga.

Ipinanalo ng Dr. Yanga Colleges ang kanilang proyektong “Visually Impaired Supportive Instrument Operative and Navigator” (VISION).

Maliban sa nasabing panalo ay marami nang gintong naipanalo ang Dr. Yanga Colleges Inc. sa robotics, kabilang dito ang 2019 World Robot Olympiad sa Denmark at isa pang ginto sa FIRST LEGO League Open sa Turkey.