Pasig LGU mamimigay ng food coupon para sa mga estudyante

Simula ngayong araw, mamimigay ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig ng food coupon bilang tulong sa mahigit na 130,000 na mga mag-aaral ng pampublikong paaralan ng siyudad sa gitna ng enhanced community quarantine.

Makatatanggap ng P400 ang bawat mag-aaral na maaaring gamitin sa mega market, mobile palengke at piling talipapa.

Paalala sa mga magulang na dalhin ang ID ng estudyante, kung walang ID tinatanggap din ang library card o birth certificate ng mag-aaral.

Pinapaalalahanan din sila na marapat sumunod sa mahigpit na physical distancing measure na ipinatutupad ng gobyerno upang maantala ang pagkalat ng nakamamatay na COVID-19.

Simula nang ipatupad ang ECQ, gumagawa ng paraan ang Pasig City LGU upang mabawasan ang impact nito sa mga mamamayan.

Bukod sa food coupon, namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng cash assistance sa mga residente.

Para sa schedule ng pamimigay ng food coupon, bisitahin ang Facebook Page ng Pasig Public Information Office https://www.facebook.com/PasigPIO/.

Source: Jimmyley E. Guzman, Philippine Information Agency, April 14, 2020