Pamilyang pasaway sa Subic nasampolan ng Coast Guard

Nasampolan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang pamilyang nagsasalu-salo at naliligo sakay ng isang bangka sa katubigan ng Calapandayan, Subic, Zambales ngayong araw, ika-04 ng Abril 2020.

Inabisuhan ang pamilya, na may kasamang apat na menor de edad, na nakataas ang ‘NO SAIL POLICY’ sa lugar at MAHIGPIT NA IPINAGBABAWAL ang anumang uri ng ‘public gathering’ sa kasagsagan ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Nang harapin ng PCG ang may-ari ng bangka, hindi naman ito nakapagpakita ng papeles na makapagpapatunay na ligal at rehistrado ang kanyang sasakyang pandagat.

Hinatid ng PCG ang pamilya sa kanilang barangay para mabigyan ng karampatang parusa, habang in-impound naman ang bangka sa PCG Sub-Station Subic hanggang sa nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso ng may-ari nito.