Pahinga muna ng 1-linggo: Duterte nasagad sa trabaho

Nasagad umano sa trabaho si Pangulong Rodrigo Duterte kaya kailangan itong magpahinga ng isang linggo,ayon sa Malacañang.

“If you will ask me, he (Duterte) really needs to rest,” paliwanag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa press briefing sa Palasyo nang kumpirmahin ang sinasabing planong isang linggo pahinga ng Pangulo.

Ang pahayag ay ginawa ni Panelo kaugnay ng sinabi ni dating Special Assistant to the President at ngayo’y Senator Christopher Lawrence Go noong Oktubre 24 na magbabakasyon ang Pangulo ng isang linggo matapos ang pagdalo nito sa 35th Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit and Related Summits sa Bangkok, Thailand mula Nobyembre 2-4.

Bumalik ng bansa ang Pangulo noong Lunes ng gabi, Nobyembre 4 kasabay ng pagtatapos ng 35th Asean Summit and Related Summits.

Hindi sinipot ni Duterte ang ilang events sa summit upang hindi magkaproblema sa kanyang biyahe pabalik ng Maynila.

Gayunman ay wala pang kumpirmasyon ani Panelo ang Pangulo kung itutuloy nito ang isang linggong bakasyon.