Pagsasaka at pangingisda sa Cot Prov patuloy sa gitna ng ECQ

Siniguro ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato na magpapatuloy pa rin ang mga aktibidad ng mga magsasaka at mangingisda sa probinsiya kahit ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Ito ay upang maipagpatuloy ang food stability at sufficiency sa gitna ng krisis dala ng banta ng coronavirus disease 2019.

Sa ipinalabas na Executive Order No. 54 ni Governor Nancy Catamco, nakasaad ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga mangingisda at magsasaka na gawin ang kanilang trabaho ngunit kailangan pa rin ng mga ito na sumunod sa safety protocols ng Department of Health.

Makakapagsaka at makapangingisda lamang ang mga ito kapag hindi nagpakita ng sintomas ng COVID-19, dapat hanggang tatlong tao lamang sa bawat sakahan o palaisdaan, at siguraduhing naipatutupad ang social distancing.

Ang mga panuntunan sa naturang executive order ay nakasaad din sa Memorandum Circular No. 9 ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Kaugnay nito, sinabi ni Board Member Philbert Malaluan na siya ring pinuno ng COVID-19 Provincial Inter-agency Task Force na hindi na kailangan ng mga magsasaka at mangingisda ng quarantine pass upang pumunta sa kanilang mga sakahan at palaisdaan kung ang mga ito ay matatagpuan lamang sa kanilang bayan.

Maaari lamang silang magpakita ng katibayan, katulad ng ID o sertipikasyon mula sa barangay, na sila ay magsasaka o mangingisda.

Subalit sinabi ng opisyal na kailangang kumuha ng essential working pass sa mga lokal na pamahalaan kung ang mga sakahan at palaisdaan ay nasa ibang bayan.

Dagdag pa niya, ipinagbabawal pa rin ang paglabas ng mga senior citizen.

Source: PIA Cotabato City, Philippine Information Agency, April 16, 2020