Pagpatay sa Pinay DH sa Kuwait kinondena

Ilang grupo nanawagan ng total deployment ban Iniulat ng Philippine Department of Foreign Affairs (DFA) na isa na namang Pinay domestic worker sa Kuwait ang diumano ay pinatay ng asawa ng kanyang amo.

Hindi pa nabanggit ng ahensya ang pangalan ng kaawa-awang overseas Filipino worker (OFW).

Kinondena ng Philippine Embassy sa Kuwait ang naturang pagpatay kasabay ng pagpapatawag ng DFA sa Kuwaiti ambassador sa Maynila para ihayag ang pagkalit sa nasabing krimen at sa kawalan ng proteksyon para sa domestic helpers sa kamay ng kanilang employers.

Nakipag-ugnayan na rin ang embahada sa mga opisyal ng Kuwait para sa makamit ang katarungan para sa walang awang pagpatay. Humingi rin ang DFA ng patas at malinaw na imbestigasyon at agarang paglilitis ng mga nagkasala gamit ang lawak ng batas.

Ipinag-utos ng pamahalaan noong Pebrero 2018 ang total deployment ban sa Kuwait matapos matagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng domestic helper na si Joanna Demafelis na nasa loob ng freezer.

Pinatay din si Demafelis ng kanyang mga amo.

Tinanggal ang ban tatlong buwan matapos lagdaan ng Pilipinas at Kuwait ang kasunduan na nagbibigay proteksyon sa OFWs.

Napatunayan rin na ang mga amo ni Demafelis ay guilty o maysala sa kasong murder.

Ngunit sa kasamaang palad, noong Mayo 2018, isa na namang OFW ang namatay sa kamay ng kanyang employer.

Siya si Ma. Constancia Dayag, 47 taong gulang, na tila pinagsamantalahan o ginahasa rin ng kanyang amo sapagkat isang pipino ang natagpuang nasa loob ng kanyang ari.

Ang mga naturang insidente ng karahasan at pang-aabuso sa mga Pinay domestic helper sa Kuwait ay isang tahasang paglabag sa kasunduan na pangalagaan ang kanilang karapatan, ayon sa DFA.

Nanawagan naman ang ilang grupo na ibalik ang total deployment ban sa Kuwait sa gitna ng insidente ng pagpatay sa kasambahay na OFW.