Pagdura, singa sa publikong lugar bawal — Pacquiao

Anti-Spitting Act PacquiaoSinusulong ni Senator Manny Pacquiao ang pagbabawal sa pagdura at pagsinga sa pampublikong lugar, kasunod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon sa Bill No. 1406 o ang ‘Anti-Spitting Act of 2020’, paparusahan ang sinumang intensyong dumura ng laway, plema at suminga ng sipon sa publikong lugar.

Ang sinumang lumabag ay pagmumultahin ng P5,000 hanggang P50,000.

Sa pag-aaral na lumabas, naipapasa ang coronavirus na nagmula sa Wuhan, China sa pamamagitan ng body fluids.

“Considering the gravity of the situation, there is an urgent need to institute a concrete preventive measure to stop the spread of the disease that has become a global health emergency,” paliwanag ng bill ni Pacquiao.

Sa unang beses na paglabag ay magmumulta ng P5,000 at sa ikalawa naman ay P10,000.

Sa ikatlong beses ay P50,000 at kailangang dumaan sa seminar ng Department of Health o anim na buwang pagkakulong.

Ipinasa ang nasabing bill noong Marso 9, araw na ipinasa ang state of health emergency sa bansa dahil sa coronavirus.