P40M donasyon ng Cebu LGUs sa Mindanao quake victims

Nagtulung-tulong ang Cebu local government units para makabuo ng P40 million na ipantutulong sa mga naapektuhan ng sunud-sunod na paglindol sa Mindanao.

Ito ang kinumpirma ng isang miyembro ng Cebu Provincial Board nitong Miyerkules kaugnay sa kanilang naging hakbang para saklolohan ang mga apektado ng lindol.

Sinabi ni Glenn Anthony Soco, miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na kumakatawan sa 6th district ng Cebu ang P20M sa tulong ay manggagaling sa provincial government.

Isang resolusyon ani Soco na siyang namumuno sa committee on budget and appropriation ng provincial board ang kanilang ipinasa noong Lunes para pahintulutan si Cebu Governor Gwendolyn Garcia na mag-donate ng nasabing halaga sa mga biktima ng lindol sa Cotabato at Davao.

Ang cash assistance ay ibibigay sa walong LGUs sa Region 11 -Davao at 12-Soccsksargen.

Ang natitirang P20M ay donasyon naman ng mga lokalidad ng Mandaue,Talisay at Lapu-Lapu.