Epektibo Agosto 4 ay suspendido na ang operasyon ng mga consular office ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (CALABARZON) dahil sa muling pag-iral ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sa abiso ng kagawaran, isasara sa publiko ang Office of Consular Affairs (OCA) sa Aseana sa Parañaque City at lahat ng ng consular office sa Metro Manila, Malolos, Dasmarinas, Laguna at Antipolo simula ngayong Agosto 4 hanggang Agosto 18, 2020.
Samantala, bibigyan naman ng accomodation simula sa Agosto 19 hanggang Setyembre 30, 2020 ang mga naapektuhang passport applicant na mayroong kumpirmadong appointment sa nasabing mga araw.
Tatanggap din ng parehong serbisyo ang mga naapektuhang aplikante para sa authentication, civil registration at iba pang consular services.
Dahil dito kung kaya’t hindi na kailangan pang magpa-reschedule o magkansela ng kanilang appointment ang mga apektadong aplikante.
Maaari rin bisitahin ang official website at mga social media account ng kagawararn para sa iba pang impormasyon.