Dalawang showbiz personality ang nagkainitan dahil sa isyu ng umiinit na ABS-CBN franchise renewal.
Sa pagkakataong ito ay nagsabong ang talent manager na si Ogie Diaz at celebrity na ngayon ay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator na si Mocha Uson.
Si Uson ay kilalang die-hard Duterte kaya lahat ng hakbang at aksyon ng liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte ay suportado kabilang ang pagtabla sa renewal ng prangkisa ng Dos na nakatakdang mapaso sa Marso 30.
Sa pamamagitan ng twitter ay pinagsabihan ni Mocha ang ABS-CBN na huwag magpaawa at sagutin sa korte ang mga alegasyon laban sa kanila.
“Ang dami ng nailabas na propaganda ng ABSCBN na nagpapaawa pero ang sagutin ang korte hindi magawa gawa. Stop the drama answer the allegations,” tweet ni Uson noong Pebrero 18.
Sinita ito ni Diaz at sinabing mas maayos kung ilalabas nito ang mga naitulong sa mga OFW simula nang maupong OWWA Deputy Administrator kesa makialam sa isyu ng ABS-CBN.
“Ateng, mas bongga ka kung ire-release mo yung bilang at kung ano ang naitulong mo sa mga OFW since OWWA admin ka,” ani Diaz sa Twitter nitong Pebrero 19.