OFWs na nasawi sa Saudi dahil sa COVID iuuwi na

Nakatakdang iuwi ng pamahalaan sa susunod na lingo ang marami pang labi ng mga overseas Filipino worker na nasawi sa Saudi Arabia, ayon sa labor department nitong Martes.

Ito ang ikatlong batch ng repatriation na isasagawa ng inter-agency committee na pinangasiwaan ng Department of Labor and Employment ng nakaraang buwan, kung saan may kabuuang 137 OFW na ang naiuwi na nasawi dahil sa Covid-19 at iba pang dahilan.

Batay sa datos ng overseas offices ng DOLE at Philippine Embassy sa Riyadh, nakahanda ng iuwi ang labi ng 57 OFW na pawang nasawi dahil sa Covid-19.

Ang pinakamalaking bilang ay magmumula sa Jeddah na may 30 labi, 20 mula sa Riyadh at pito mula sa Al Khobar.

“Ating bibigyan ang ating mga nasawing bagong bayani ng isang pagsalubong at naayong pagkilala sa kanilang pagdating,” ani Labor Secretary Silvestre Bello III.

Nakatakdang dumating ng chartered Philippine Airlines sa Maynila sa Hulyo 28.

Sinabi ng kalihim na susundin ang parehong health protocols na ipinatupad sa unang dalawang batch ng repatriation kung saan ang labi ng mga nasawi dahil sa Covid-19 ay agad dinala sa crematorium sa kanilang pagdating.

“Nakikiramay kami sa pagdadalamhati ng mga naiwang pamilya ng ating mahal na OFW. Ngunit patuloy naming hinihiling na mahigpit nilang sundin ang protocol para sa kanilang kabutihan at ng ating komunidad,” aniya.

Muling pinasalamatan ni Bello ang iba’t ibang ahensiya na bumubuo sa interagency committee sa maayos na pangangasiwa sa pag-uwi ng mga labi ng OFW.