OFWs makalilipad na sa gitna ng Luzon lockdown

NAIA OFWBukas na ang lahat ng airports sa Luzon para sa aalis na Overseas Filipino Workers (OFWs) at binawi na ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang utos na isara ang mga paliparan sa rehiyon sa Marso 20.

Makalilipad na ang OFWs na paalis ng bansa para bumalik sa kanilang trabaho abroad anomang araw.

Ayon sa IATF, pinayagan na ang OFWs na lumabas ng bansa dahil kailangan nilang magtrabaho at sila ay mayroong kontrata abroad.

Kailangan lang diumano tumawag sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga OFW kung wala silang magamit na pribadong sasakyan kung sila ay maghahanda at magsusumite ng papeles.

Sagot na ng OWWA ang transportasyon ng OFWs na walang sariling sasakyan ayon sa ilalabas na guidelines.

Para sa final departure briefing (FDB) at Overseas Employment Certificate (OEC) na kailangan ng OFWs ay pinayuhan sila na magtungo sa POEA o makipag-ugnayan sa DOLE hotline 1349.

Kailangan lamang na dala ng OFW ang verified contract of employment para maka-alis matapos makumpleto ang FDB at OEC.

Kung magtutungo na sa airport, isang companion o driver lamang ang maaaring payagan kasama ng OFW sa checkpoints.

Ipakita lang ng driver ang kopya ng travel itinerary ng OFW para makalusot sa checkpoints.