OFW evac plan sa Middle East paghandaan

Nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), isa sa pinakamalawak na labor federation sa bansa, na paghandaan ang napipintong paglikas ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Middle East bunga ng US strike na pumatay sa mataas na heneral ng Iran.

Ayon sa TUCP, ang paglala ng sitwasyon sa Middle East ay inaasahan kaya isang multi-government agency ang dapat na magbalangkas ng escape, relocation at repatriation plan para sa OFWs sa nasabing rehiyon.

Tinatayang 1.2 milyong OFW ang nasa Middle East batay sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Ang Saudi Arabia na itinuturing na kakampi ng US sa isang dekada na proxy war sa Iran ay ang may pinakamalaking populasyon ng OFW o katumbas ng isa kada apat na OFW na nagtratrabaho sa Gitnang Silangan.

Isang airstrike na pinakawalan ng Amerika noong Biyernes ang kumitil sa buhay ng heneral na si Qassem Soleimani ng Iran na na-tag ng US bilang isang terorista.

Tinatayang rason ito ng pagsiklab ng giyera bilang ganti ng Iran sa US.

Pinaalalahanan naman ng Blas Ople Policy Center ang OFWs sa Middle East na mag-ingat sa pakikibahagi sa usaping politikal dahil naka-monitor sa social media ang mga bansang sangkot sa kaguluhan.

Ang iba pang tagubilin ng Ople Center ay ang palagiang pagdadala ng company ID at passport, pag-iwas sa pag-travel at pagrereport sa malapit na emhabahada o konsulado kung mayroong nakikita na banta sa kanilang buhay at seguridad.

Inayudahan naman ng DFA ang paalalang ito at nagpayo sa OFWs doon na madalas na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy gayundin sa kanilang employer kung mayroong pangangailangang lumikas.

Nakataas ang Crisis Alert Level 3 o voluntary repatriation phase sa lahat ng lugar sa Iraq maliban sa Kurdistan region sa parteng Hilaga na nasa Alert Level 1 (precautionary phase).

Sinabi rin ng DFA na handa ang bansa na magpadala ng rapid response team sa Iraq kung kinakailangan.

Aabot sa 1,600 ang bilang ng OFW sa Iraq kabilang na ang 450 na undocumented na Pinoy ayon sa DFA.