Dahil sa dumaraming mga kumpiradong kaso ng coronavirus, nagpatupad na ng nationwide lockdown ang Spain kung saan nilimitahan nito ang paglabas ng bahay ng kanilang 47 milyong mamamayan.
Ang Spain ang ikalawang bansa sa Europa na nagpatupad ng mahigpit at malawang restrictions sumunod sa Italy.
Sa ngayon, bawal nang lumabas ng bahay ang mga tao sa Spain kung hindi rin lamang importante ang kanilang lakad.
Pinapayagan pa rin ang paglabas kung bibili ng pagkain at mga supplies, magpapa-checkup at kung kailangang pumunta sa trabaho lalo na sa mga manggagawang ang trabaho ay hindi puwedeng gawin sa loob ng kanilang bahay.
Ipinasara na rin sa Spain ang mga schools, restawran, mga bar at iba pang mga establisimiyento at tindahan na hindi ganun ka-importante ang mga produktong ibinebenta.
Binawasan na rin ang biyahe ng mga long-distance trains at buses.
Bawal na rin anumang pagtitipon, misa at mga okasyong dinadaluhan ng maraming tao.
Tatagal ng 15 araw ang state-of-emergency period pero puwede pa umanong itong humaba.
“Spain is demonstrating in these critical hours that it has the capacity to overcome adversity,” pahayag pa ni Spain Prime Minister Pedro Sánchez.
Nauna rito, inihayag na ang asawa ng Spain PM na si Maria Begoña Gómez ay nagpositibo sa coronavirus.
Umaabot na sa 190 ang namamatay sa Spain sa coronavirus habang may 6,200 ang pinakahuling bilang ng mga kumpirmadong kaso habang sinusulat ang balitang ito.
Kung hindi maagapan, posible umanong umabot sa 10,000 ang bilang nga coronavirus cases sa Spain sa susunod na linggo.