Nasirang Pangako, tampok sa debut song ni Antenocruz na “Dating Angkin”

Ipinaparamdam ni Anton Antenorcruz ang sakit ng isang napakong pangako sa kanyang debut single na “Dating Angkin,” na ini-release ng Star Music at iprinodyus ng TNT Records.

“Proud akong i-share sa inyo ang first ever single ko na #DatingAngkin… Ang dami kong pinagdaanan kaya salamat sa suporta at pagmamahal na binigay niyo sa akin,” sabi ng “Tawag ng Tanghalan” finalist.

Ipinapakita ng kanta ang paghihirap ng isang tao na iniwanan ng kanyang minamahal na nangakong palaging mananatili anuman ang mangyari. Isinulat ito ng isa pang TNT finalist na si Froilan Canlas.

Bago sumali sa ikalawang season ng “Tawag ng Tanghalan” noong 2017, nagtatrabaho na bilang flight attendant si Antenorcruz. Tinagurian siyang “Ballad Prince” dahil sa kakaiba at kahanga-hanga niyang pag-awit ng mga ballad na kanta.

Samantala, umapaw naman ang mga papuri para kay Antenorcruz at sa kanyang bagong awitin, lalo na para sa makabag-damdamin niyang pag-awit dito.

“Ang ganda ng lyrics, ang ganda ng melody at ang ganda ng boses ni Anton. Worth the wait. Congrats,” comment ni Tess Obara sa lyric video ng kanta sa YouTube.

“Ang ganda ng kanta at boses! Ang galing mo Anton, binigyan mo ng justice ang kanta. Punong-puno ng emosyon!,” sabi naman ni Rady Decolongon.

Umahon mula sa mga nasirang pangako at pakinggan ang “Dating Angkin” ni Antenorcruz sa ABS-CN Star Music’s YouTube channel at sa iba’t ibang digital music streaming platforms. Para sa ibang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph), at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).