Dose oras ila-lockdown ang lahat ng terminal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Disyembre 3, ngayong taon.
Ang pagsasara ng lahat ng NAIA Terminal ay iniutos ng Manila International Airport Authority bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyong ‘Tisoy’ na sa pagtataya ng Pagasa ay nasa signal #2 ang Metro Manila.
“Ito po ay technically force majeure para sa safety ng pasahero. Lalo na ho ngayon na halos mga hotel ay puno dahil sa SEA Games, ako ay nakikiusap sa pasahero na huwag na pumunta sa paliparan,” paliwanag ni MIAA General Manager Ed Monreal.
Simula alas-onse ng umaga ng Disyembre 3 hanggang alas- onse ng gabi ipatutupad ang lockdown.
Aabot naman sa 480 flights ang inaasahang maaapektuhan ng pagsasara ng mga NAIA terminal.