Mula Oktubre 6, 2019 8-digit landline number ipatutupad ng Globe, Bayan sa Metro Manila

BILANG pagtalima sa direktiba ng National Telecommunications Commission (NTC), ang lahat ng telephone numbers ng Globe at Bayan customers sa Greater Metro Manila na may 02 area code ay lilipat sa 8-digit format simula sa Oktubre 6, 2019.

Ipinalabas ng NTC ang Memorandum Order No. 10-10-2017 noong Oktubre 27, 2017 na nag-aatas sa lahat ng telecommunications companies sa Filipinas na i-migrate ang lahat ng customers na may area code 02 sa 8-digit telephone numbers, mula sa umiiral na 7 digits.

Ito ay upang matiyak na magkakaroon ng sapat na resource pool na magseserbisyo sa mabilis na lumolobong landline customers sa mga pangunahing lungsod.

Nauna rito, nagtalaga ang commission sa bawat telecom operator ng public telecommunications entity (PTE) identifier bilang karagdagang prefix sa phone number nito.

Ang itinalagang PTE identifier para sa Globe at sa subsidiary Innove nito ay ‘7’. Halimbawa, ang isang Globe customer na may umiiral na landline o DUO number na (02) 210-XXXX ay kailangang gamitin ang (02) 7210-XXXX pagsapit ng Oktubre 6.

Samantala, ang Globe subsidiary, Bayan Telecommunications, ay may ‘3’ bilang PTE identifier nito. Ang isang Bayan customer, halimbawa, na may numero na (02) 220-XXXX ay gagamit na ng (02) 3220-XXXX.

Sinabi ni Globe General Counsel Froilan Castelo na nakahanda na ang kompanya para sa Oktubre 6.

“We are ready to migrate all customers with landline in Greater Metro Manila to 8-digit telephone numbers. Our teams are continuously working closely with the NTC and other telcos to assist affected customers before, during, and after the migration,” aniya.

Itinakda ng NTC at local telcos ang migration sa Oktubre 6, 2019 mula alas-12 ng umaga hanggang alas-5 ng umaga. Sa nasabing panahon, ang mga apektadong customer ay maaaring makaranas ng service interruption habang ina-upgrade ng telcos ang kanilang sistema sa bagong format.

Ang mga sumusunod ay ang 3-digit prefix para sa Globe at Innove na mangangailangan ng assigned PTE identifier ‘7’ sa simula ng prefix: 210-219, 225, 238-239, 261, 263-266, 349, 358, 368-369, 473, 482, 500-509, 576-577, 585-587, 610-619, 621-625, 717-720, 728-730, 738-739, 744-748, 750-759, 791-799,900-910, 914-919, 933-934, 940, 943-946, 949-950, 954-960, 964, 966, 968, 970-976, 978, 980, 987, 989.

Ang mga sumusunod ay ang 3-digit prefix para sa Bayan, na mangangailangan ng assigned PTE identifier ‘3’ sa simula ng prefix: 220-224, 226-228, 262, 377-394, 406-419, 427-428, 430-440, 443-450, 453-456, 466-469, 474, 480-481, 483-499.

Ang National Complaint Hotline 8888 at emergency special numbers na wala pang 7 digits at nagsisimula sa 1 o 9 tulad ng Emergency Hotline 911, MMDA 136, Lifeline Arrows 16911, at Rescue Operations 161, ay hindi magkakaroon ng pagbabago.

Ang orihinal na migration date na itinakda ng NTC ay Marso 18, 2019, subalit iniurong ito bilang tugon sa petisyon na isinampa ng Bankers Association of the Philippines at Credit Card Association of the Philippines.

“From October 6 to January 5, customers who will still incorrectly dial the old 7-digit number will hear a special announcement, saying the format has been changed to 8 digits,” ayon sa Globe.