Mike Tyson may ‘angas’ pa rin sa edad na 53

Makikita sa video na may diin pa rin ang mga suntok ng tinaguriang ‘The Baddest Man in the Planet’ noong late ’80s at early ’90s.

Si Tyson ang pinakabatang boksingero sa heavyweight division na naging kampeon.

Nagawa niyang makuha ang mga titulo sa WBA, WBC at IBF sa edad na dalawampung (20) taong gulang lamang.

Inilabas ni Tyson ang isang maikling clip sa kanyang Instagram at Twitter habang nag-eensayo at sumusuntok sa mitts na kasama ang kanyang trainer.

Nagpaplano si Tyson na bumalik at magkaroon ng laban sa ring sa edad na 53.

Ang pagpaplano niyang pagbabalik ay para sa mga charitable exhibition matches na tumatagal ng 1-4 rounds kada bout.

Ayon sa kanya ang perang kanyang malilikom ay nais niyang i-donate sa mga kapus-palad at mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot na nais magbago.

Bagama’t makikitang malalakas pa ang suntok at may pitik pa rin sa kanyang mga kilos, inamin ni Tyson na may kalawang at may sakit siyang nararamdaman dahil sa kahabaan ng panahong wala siyang ensayo.

Ang pinakahuli niyang propesyunal na laban ay noon pang taong 2005 kung saan nabigo niyang talunin ang kanyang nakatunggaling si Kevin McBride.