Mga OFW makakauwi sa loob ng 5 araw – DOLE

Nangako ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mabilis at maayos na pagpapauwi ng mga repatriated overseas Filipino worker (OFW) sa kani-kanilang mga residensiya.

Sa isinagawang send-off ceremony para sa 200 migranteng manggagawa sa Paranaque Integrated Exchange (PITX), sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na titiyakin ng gobyerno na makauwi sa kanilang mga bayan ang mga OFW sa loob lamang ng tatlo hanggang limang araw matapos ang kanilang paglapag sa bansa.

‘Bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Duterte na pabilisin ang pagpapauwi sa kanilang mga pamilya ng mga displaced na manggagawa mula sa ibang bansa, titiyakin nating sila ay mapauwi at makarating sa mga paliparan at daungan sa loob lamang ng limang araw, wika ni Bello sa ginanap na aktibidad na dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaan na pinangunahan ni Sen. Richard ‘Dick’ Gordon, na siya ring namumuno ng Philippine Red Cross.

Ang Philippine Red Cross ay ang namamahala ng swab testing program para sa mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Pinuri ni Gordon ang DOLE dahil sa walang sawa nitong kampanya upang tulungan ang mga migranteng manggagawa na apektado ng mga lockdown sa ibang bansa upang maiwasan ang pagkalat ng Covid 19.

Sinabi rin ng senador na mataas ang respeto niya sa mga opisyal ng pamahalaan na mayroong malasakit sa mga OFW.

‘Alam ko na si Secretary Bebot ay mayroong malasakit at pagmamahal sa ating mga migranteng manggagawa,” ayon kay Gordon.

Ang 300 OFW sa PITX ay kabilang sa 12,000 migranteng manggagawa na dumaan sa pinabilis na proseso ng registration, testing at transport na hakbangin ng DOLE upang makapagbigay ng naaayon at mabilis na serbisyo.

Dagdag pa ni Bello na mayroong average na 200 hanggang 300 OFW kada araw ang napapauwi sa kanilang mga probinsiya sa tulong ng mas pinabilis na sistema.

Sa pinakahuling datos nitong Hunyo 17, may kabuuang 53,000 na OFW ang napauwi at nakabalik na sa kanilang mga pamilya.

Sinabi ni Bello na patuloy sila sa paglinang ng serbisyo na ibinibigay ng pamahalaan para sa mga migranteng manggagawa kasunod ng inaasahang pagdami ng mga mare-repatriate sa mga susunod na araw.