Mga alagad ni Quiboloy arestado sa human trafficking sa US

Swak sa kalaboso ang tatlong opisyal ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy sa America matapos akusahang sangkot sa human trafficking.

Ang mga inaresto ng mga operatiba ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ay kinilalang sina Marissa Duenas, Amanda Estopare, at Guia Cabactulan sa Glandale, Van Nuys at Los Angeles sa California.

Enero 29 nang salakayin ng US federal agents ang sangay ng KOJC sa Los Angeles dahil sa human trafficking investigation na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong leader ni Quiboloy.

Base sa alegasyon sa mga kapanalig ni Quiboloy, niloloko at ginagawang fundraiser umano ang mga nire-recruit na mga follower ni Quiboloy sa Amerika para sa interes ng kanilang lider.

Tinatawag umano “miracle workers” ang mga biktima para makakalap ng pera na dapat sa mga mahihirap na bata at sa simbahan napupunta subalit sa marangyang pamumuhay ng church leader na si Quiboloy ang diumano’y tinutustusan.

Mariin namang itinanggi ng kampo ni Quiboloy ang akusasyon at iginiit na paninira lamang ito sa kanilang relihiyon.